Huwebes, Hunyo 9, 2016

THE MYSTERIOUS THING (Short Horror Story by Daryl Morales)

Alam n'yo ba? Ang kuwentong ito ay isinulat noong October 2015 ni Daryl Morales ngunit hindi niya ito ini-release sa UHS group dahil hindi siya satisfied sa naging kinalabasan ng kuwento. Isa ang kuwentong ito sa mga 'lost story' na nagawa niya noon na nakatambak sa lost files ng UHS.

THE MYSTERIOUS THING
Written by Daryl Morales
Genre: Horror/Mystery


LABIS ang tuwa ni Alvin Navarro sa kanyang pagkapanalo bilang Mayor sa bayan ng Masantol sa Pampanga.
“Ngayon pa lang, naaamoy ko na ang kaunlaran sa ating bayan,” sabi pa niya habang nakaupo sa kanyang opisina kasama ang isang assistant niya. Mataas ang tingin ni Mayor Alvin sa kanyang sarili. Perfectionist ito. Lahat ng mga maling bagay na kanyang nakikita sa paligid ay pipilitin niyang gawing tama para maging maayos at maganda sa kanyang paningin.
Kahit pa yata pangit ay pagagandahin niya para lang maiwasang makakita ng pangit. Kumukulo kasi ang dugo niya kapag nakakakita ng pangit na mga lugar. At ang San Isidro ang naisipan niyang unang gawan ng proyekto.

USAP-USAPAN ngayon sa Barangay San Isidro, 1st Street ang ini-announce ni Mayor Alvin na pagagandahin at lilinisin daw niya ang Barangay na iyon. Ipabubunot niya ang mga damo at ipapuputol ang mga puno upang mapatayuan niya ng mga pabahay. Sa taon kasing ito, dumarami ang bilang ng mga pulubi o iskwater sa kanilang bayan at dahil sa dami ng mga puno at damo roon ay nagmimistulang gubat ang nasabing Barangay. Pangit iyon sa paningin ng perfectionist na Mayor kaya walang makakapigil sa kagustuhan niyang ipatanggal ang mga ‘pangit’ sa paningin niya.
Ipalilinis din niya ang baradong kanal at patatambakan ang daan upang pagdating ng tag-ulan ay hindi na tumaas pa ang baha sa kanilang bayan.
Maraming mga matatangkad at matatandang puno sa 1st Street. Kaunti lamang ang mga bahay doon dahil halos lahat ng makikita sa paligid ay puro mga matataas na mga damo at matatandang mga puno na sinasabing nagsimulang lumaki noon pang panahon ng mga kastila.
Tahimik naman ang mga puno doon. Hindi na nagdalawang isip pa si Mayor Alvin na ipaputol ang mga ito dahil wala naman siyang nababalitaan o naririnig na mga kuwento tungkol sa mga engkanto o mga nilalang na karaniwang pinaniniwalaang naninirahan sa mga puno, at isa pa, hindi siya naniniwala sa mga iyon. Hindi totoo na ang mga puno ay tinitirhan ng mga engkanto o mga diwata. Ito ay kuwento-kuwento lamang ng mga matatanda noon, iyon ang paniniwala niya. Kaya di nagtagal ay natuloy ang kanyang plano na ipaputol ang lahat ng mga puno at mga damo sa Barangay San Isidro, 1st Street.
Halos inabot sila ng mahigit dalawang buwan bago tuluyang naputol ang natitirang mga matatandang puno. Pati mga damo na nasa lupa ay nakalbo na rin.
Pero magmula nang maputol ang mga punong iyon ay nagsimula na ang kababalaghan sa Barangay San Isidro, 1st Street. Sa tuwing sasapit ang madaling araw ay nakakarinig sila ng mga yabag ng mga paa ng tila malalaking mga kabayo. Tila napakarami ng mga ito na parang naghahabulan o nag-uunahan sa pagtakbo. Naiistorbo tuloy ang tulog ng ilang mga residente pero wala silang lakas ng loob na dumungaw man lang sa bintana dahil sa tuwing maririnig nila ang yabag ng mga paa ng mga ito ay ginagapangan sila ng kakaibang takot kaya wala silang magawa kundi ang makiramdam na lamang at magdasal.
Araw-araw nangyayari iyon. Sa tuwing sasapit ang madaling araw ay nagsisimulang mag-unahan sa pagtakbo ang mga paa ng tila malalaking mga kabayo. Hindi nga nila alam kung kabayo nga ba talaga ang mga ito dahil wala namang kabayo sa kanilang maliit na bayan.
“Diyos ko po!” nasambit ng isang matandang babae na nagising bigla dahil sa malalakas na pagyabag ng mga paa ng mga misteryosong nilalang.
Parang lumilindol ang paligid sa lakas at sa dami ng yabag ng mga paa na nagtatakbuhan sa daan. Takot na takot ang matandang babae. Dumadagundong ang kabog ng kanyang puso habang naririnig ang kakaibang yabag ng mga paa sa labas.
Maging si Mayor Alvin ay nabahala na dahil dito. Nang mga oras ding iyon ay isa lang naman siya sa mga nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog dahil sa tila mga dambuhalang mga nilalang na nagtatakbuhan at nagkakaguluhan sa labas. Napaisip tuloy siya kung ano iyon.
Naglakas loob siyang bumangon sa kama at binuksan ang bintana. Dumungaw siya sa salamin pero laking gulat niya dahil wala naman siyang nakikitang kahit ano na nagtatakbuhan sa labas. Wari’y napakatahimik ng daan sa kanyang paningin. Walang katao-tao. Wala ring mga aso at pusa na gumagala-gala sa paligid. Pero patuloy pa rin niyang naririnig ang yabag ng mga paa na sa tansa niya’y paa ng mga kabayong nagtatakbuhan.
Kinilabutan siya at agad na isinara ang mga bintana. Napabuntunghininga siya at naging palaisipan sa kanya kung saan nagmumula ang mga ingay na iyon.
Pagsapit ng umaga ay nagulat ang mga tao dahil paglabas nila sa kani-kanilang mga bahay ay bumungad sa kanila ang warak-warak na daan. Parang dinaanan ng isang malakas na lindol ang kanilang lugar dahil nagkawarak-warak ang mga semento, pati ang ilang mga pader.
“Ano ba itong nangyayari sa ating Barangay?!” nasambit ng bubuyog na si Aling Gara. Bubuyog ang bansag sa kanya ng mga tagaroon dahil sa kanyang maingay na bunganga at pagiging madaldal at tsismosa.
Maging si Mayor Alvin ay nagulat nang makita ang warak-warak na daan. Ang akala niya’y magiging maganda at maaliwalas sa kanyang mga mata ang Barangay San Isidro, 1st Street kapag ipinatanggal niya ang mga puno at mga damo, subalit mas lalo pa itong naging marumi at pangit sa kanyang paningin dahil sa kakaibang pinsalang ito.
Ang ilang mga tao doon ay lumipat na ng ibang bahay dahil hindi na makayanan ang kababalaghang nangyayari sa tuwing sasapit ang madaling araw. Nagsisimula ang mga ingay na iyon sa tuwing papatak ang alas singko ng madaling araw. Lima hanggang sampung minuto ang tagal ng kakaibang mga ingay na iyon. Animo’y malalaking mga kabayo na nagpa-fun run sa daan.
Pagsapit ng madaling araw ay muling narinig ng buong Barangay ang yabag ng mga paa ng kakaibang mga nilalang na nagtatakbuhan sa daan. Muli na naman silang naistorbo sa pagtulog, lalo na si Mayor Alvin. Hindi na ito nakatiis. Bumangon siya sa kama. Lalabas siya ng bahay para alamin kung saan talaga nanggagaling ang kakaibang ingay na iyon. Nagdala siya ng isang matibay na pamalo kung sakaling may makasalubong siyang nilalang sa labas.
Pagbukas niya sa pinto ng kanyang bahay ay wala siyang nakitang kahit anong mga tao o nilalang sa labas pero patuloy pa rin ang yabag ng mga paa ng di nakikitang mga elemento.
Labis na nakabibingi ang ingay ng mga ito kung kaya’t hindi na siya tumuloy na lumakad sa labas. Inihagis na lamang niya ang hawak na pamalo at nang mapunta ito sa daan ay bigla itong nagkanda wasak-wasak kasabay ng sementadong daan na tila natapakan ng mga paa ng di nakikitang mga dambuhalang nilalang.
Nanlaki ang kanyang mga mata at napaawang ang kanyang bibig. Bago pa man siya muling makapasok sa loob ay biglang may sumipa sa kanyang dibdib at tumilapon siya papasok sa loob ng kanyang bahay. Isang napakalakas na sipa iyon ng isang di nakikitang nilalang. Sa lakas ng pagkakasipa nito at sa lakas ng impact ng pagkakabagsak niya sa sahig ay nalagutan siya ng hininga. Basag ang ulo niya at nabali ang mga buto niya sa katawan. Mukhang napakalakas ng nilalang na sumipa sa kanya. Daig pa ni Mayor Alvin ang nahulog sa isang mataas na building dahil sa kanyang lasog lasog na katawan nang siya’y bumagsak sa sahig at dahil na rin sa lakas ng pagkakasipa sa kanya ng hindi nagpapakitang elemento na marahil ay kanyang natamaan sa hinagis niyang pamalo sa daan.

KINAUMAGAHAN ay natagpuan ang bangkay ni Mayor Alvin sa loob ng kanyang bahay sa salas. Bali-bali ang mga buto nito, bagok at duguan ang ulo. At sa dibdib nito ay may naiwang isang malaking bakas. Isang bakas ng tila paa ng isang dambuhalang kabayo.
Naging usap-usapan din sa mga residente ang pagkamatay na iyon ni Mayor Alvin Navarro. Naging palaisipan sa mga awtoridad ang misteryosong pagkamatay ni Mayor Alvin. Sa isang CCTV na nasa poste, na-record at napanood ng mga awtoridad na nagbukas ng pinto si Mayor Alvin sa kanyang bahay pero hindi ito lumabas. Inihagis lamang nito ang hawak na pamalo sa daan, at ilang sandali pa ay bigla na lamang itong tumilapon mag-isa papasok sa loob ng kanyang bahay. Naganap iyon kaninang madaling araw habang kasalukuyang naririnig ng buong Barangay ang yabag ng mga paa ng tila dambuhalang mga nilalang na hindi nakikita kahit sa CCTV.
“Hindi kaya masamang elemento ang pumatay kay Mayor Alvin?” anang isang babae na nakatambay sa isang tindahan.
“Siguro… Hmm… Hindi ko alam!” sagot naman ng may ari ng tindahan. Walang direktang makapagsabi kung sino o ano ang pumatay sa bago nilang Mayor.
Nagsimula ang lahat ng kababalaghang iyon magmula nang ipaputol ni Mayor Alvin ang matatanda at matatangkad na mga puno sa Barangay na iyon. Subalit sa kanyang pagkamatay ay hindi na narinig pang muli ang mga yabag ng mga paa ng tila dambuhalang mga elemento tuwing sasapit ang madaling araw. Marami ang nagtaka. Talagang marami. Pero ang mahalaga, tapos na ang kababalaghan. Wala ng mga ingay ang makakaistorbo ngayon sa mahimbing na tulog ng mga residente doon.

Kayo, alam n’yo ba kung anong klaseng nilalang ang pumatay kay Mayor Alvin Navarro?


***WAKAS***

12 MIDNIGHT (Short Horror Story by Daryl Morales)

Alam n'yo ba? Ang kuwentong ito ay isinulat noong October 2015 ni Daryl Morales ngunit hindi niya ito ini-release sa UHS group dahil hindi siya satisfied sa naging kinalabasan ng kuwento. Isa ang kuwentong ito sa mga 'lost story' na nagawa niya noon na nakatambak sa lost files ng UHS.

12 MIDNIGHT
Written by Daryl Morales
Genre: Horror/Suspense



HATINGGABI na subalit gising pa rin si Loren at nanonood pa ng DVD sa loob ng kanyang kuwarto habang nakahiga sa kama. Gabi-gabi niya iyon ginagawa para antukin at para makalimot sa mga problemang pinagdaanan niya nitong mga nakaraang linggo.
Napakalakas ng ulan ng mga oras na iyon na may kasama pang malalakas na kulog at kidlat, pero hindi iyon alintana kay Loren.
Sa kalagitnaan ng kanyang panonood ng The Grudge horror movie ay nakarinig siya ng malakas na pagkatok sa pintuan sa salas. Bahagyang nagulat siya roon.
Ini-pause niya pansamantala ang pinapanood at muling nakiramdam sa paligid. Muling kumatok sa pintuan ng bahay ang isang di kilalang panauhin. Bagamat malakas ang ulan sa labas ay dinig na dinig niya ang katok na iyon na parang gustong wasakin ang pintuan.
Tumingin siya sa wall clock. Pasadong alas-dose na ng hatinggabi. Nagtaka siya. Sino kaya ang bisita niya sa ganoong oras?
Bumangon siya sa kama at lumabas ng kuwarto. Tinungo niya ang pintuan sa salas at agad na binuksan. Pagkabukas ng pinto ay tumambad sa kanya ang dating nobyo na si Chino. Basang-basa ito sa ulan. Nakayuko ito pero nang pagbuksan niya ng pinto ay humarap at tumitig ito sa kanya.
Nangunot ang noo ng dalaga. “Chino? A-anong ginagawa mo rito?”
“M-maaari ba akong tumuloy sa iyo? Kahit kalahating oras lang. Masyado kasing malakas ang ulan kaya nang madaanan ko ang bahay mo ay naisipan kong sumilong muna,” mahinhing wika ng binata na animo’y wala silang pinag-awayan noong nakaraang linggo mula nang mag-breakup silang dalawa ng dalaga.
Medyo nanibago ang dalaga sa kilos at pananalita ng binata. Dati kasi ay halos ayaw na siya nitong kausapin o harapin man lang. Sinubukan niyang makipagkita rito para magkausap sila ng maayos pero palagi siya nitong tinataguan at hindi sinasagot ang mga texts niya.
“S-sige. Halika.” Pinapasok ni Loren ang binata sa loob ng kanyang bahay.
Habang naglalakad sila papunta sa kusina ay nagbalik sa isipan ni Loren ang pag-aaway nila ng binata noong nakaraang linggo bago ito magtampo sa kanya. Nang malaman kasi ni Loren na may nabuntis na ibang babae ang kasintahan niya ay nagalit siya rito at pinagsasampal niya ito.
Hindi na halos nakapagpaliwanag pa si Chino dahil sa kakabunganga ng dalaga. Ang akala ni Loren ay kapag pinagalitan niya ito ay hihiwalayan nito ang nabutis nitong babae. Pero si Chino pa mismo ang nagkaroon ng lakas ng loob na magalit at magtampo sa pananampal at pananabunot na ginawa sa kanya ng dalaga. Isinauli niya ang kuwintas at mamahaling relo na binili sa kanya noon ni Loren at sinabi nitong tinatapos na niya ang kanilang relasyon.
Mas mahal ni Chino ang pangalawang babae na nabuntis niya. Pagkasauli niya sa kuwintas at sa relo ay tinalikuran na siya ng binata at magmula noon ay hindi na sila nagkausap.
Nagalit si Loren. Kumulo ang dugo niya sa galit pero hindi siya agad sumuko. Sinubukan niyang i-text at tawagan si Chino para sana magkausap sila ng maayos dahil kahit pinagtaksilan siya nito ay parang hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya rito. Pero ni hindi siya nito nireplayan at palagi nitong pinapatay ang cellphone sa tuwing tumatawag siya kaya doon tuluyang naghari sa buong katauhan ni Loren ang labis na galit kaya kahit mahirap ay pinilit niyang kalimutan na lang din si Chino.
Nang mga sandaling iyon ay nakaupo na ang binata sa lamesa. Dumistansya si Loren sa pagkakaupo. Magkatapat sila ni Chino sa mesa. Pagkatapos nitong punasan ang basang katawan sa tuwalyang ipinahiram sa kanya ng dalaga ay isinampay niya ito sa isang bakanteng upuan at yumuko siyang muli.
Nakatitig si Loren sa kanya. Pinakalma niya ang sarili at hindi nagpatalo sa galit. Pagkakataon na niya iyon para makausap ng maayos si Chino tungkol sa napag-awayan nila noong nakaraang linggo.
“Chino, gaano na ba kayo katagal magkakilala nu’ng babaeng nabuntis mo? Alam na ba ‘to ng mga magulang niya at ng iyo?” tanong ni Loren sa binata subalit hindi man lang ito kumibo. Nanatili itong nakayuko na tila hindi alam kung ano ang isasagot.
Napabuntunghininga si Loren at muling nagsalita. “Chino, ang akala ko ba naman ay hindi na tayo magkikitang muli. Gusto lang sana kitang makausap ng maayos. Pumunta ka rito sa akin pero hindi ka man lang magsasalita?” sabi niya sa binata. Subalit wala pa rin itong tugon. Ni hindi man lang ito tumitingin sa kanya. Nanatili itong nakayuko na tila malalim ang iniisip.
Medyo nakakaramdam na ng inis si Loren. Kapag hindi pa siya pinansin ng binata ay baka masigawan na niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit pa ito nagpunta sa bahay niya kung hindi lang din naman ito magsasalita kahit kaunti man lang.
Magsasalita sana siyang muli nang biglang mag-ring ang cellphone niya na nakapatong sa mesa. Dinampot niya ito at tiningnan kung sino ang tumatawag. Ang kaibigan pala niyang si Jolly ang tumatawag kaya agad niya itong sinagot.
“Hello, Jolly? Hatinggabi na, ah. Bakit napatawag ka? May kailangan ka ba?” Pansamantalang bumitaw ang pagkakatitig niya kay Jolly.
“Loren, may masama akong balita sa iyo. Patay na pala si Chino kagabi. Nabaril daw siya ng mga hindi pa nakikilalang mga lalaki. kaninang umaga ko lang nabalitaan. Dead on arrival daw siya kagabi nang dalhin sa ospital. Sorry ngayon lang kasi ako nagkaroon ng lakas ng loob na ipaalam ito sa ‘yo. Alam ko kasing nag-away kayo at hindi na nagpapansinan kaya hindi ko ito agad nasabi.”
Nanlaki ang mga mata ni Loren sa narinig. Bigla siyang ginapangan ng kilabot sa buong katawan. Tumayo ang mga balahibo niya at namulta ang mukha. Hindi siya nakapagsalita at tila napako sa kinaroroonan.
“Hello, Jolly? Nariyan ka pa ba? Hello? Bakit hindi ka nagsasalita?” sabi ni Jolly sa kabilang linya. Pero hindi na nakapagsalita pa ang dalaga.
Nanginginig ito habang unti-unting humaharap sa nakaupong si Chino na katapat niya sa lamesa. Nang mapagmasdan niya ito ay nakayuko pa rin ito. Pero nang mapansin ng binata na nakatingin sa kanya ang dalaga ay unti-unti nitong itinaas ang kanyang ulo at tumitig sa kanya.
Sa wakas at nasilayan ni Loren ang tunay na anyo ni Chino. Namumutla ito na parang naubusan ng dugo sa buong katawan. Lumuluha ito ng dugo at nangitim ang mga labi.
Parang sasabog ang ulo ni Loren sa takot. Alam niyang hindi na si Chino ang kaharap niya. Isa na itong multo!
Habang tumatagal ay lalong sumasama ang mga titig ni Chino kay Loren na parang nais siyang tuklawin ng mga titig na iyon. Unti-unti itong ngumiti na parang demonyo. Ngumiti ito ng ngumiti hanggang sa literal na umabot hanggang sa tenga ang mga labi nito sa pagkakangiti. Lumaki ang bibig nito at lumitaw ang nangingitim at nabubulok nitong mga ngipin na nilalabasan ng maliliit na mga uod.
Hindi nakakilos si Loren sa sobrang takot. Nanginginig ang buong katawan niya. Hindi na niya kayang titigan ang nakakatakot na pagmumukha ni Chino. Pumikit siya at tinakpan ang mga mata sa kanyang mga palad.
Hindi siya maaaring tumakbo ng basta-basta na lang dahil wala siyang madadaanang iba para makatakas. Kinakailangan niyang daanan at lampasan si Chino para makalabas siya sa kusinang iyon pero iyon ang hindi niya kayang gawin dahil natatakot siya na baka bigla siyang hablutin nito kaya napako na lamang siya sa kinauupuan habang nanginginig ang buong katawan at tahimik na umiiyak dahil sa sobrang takot.
Muntik na siyang mapasigaw ng marinig na umugong ang inuupuan ni Chino, isang sign iyon na tumayo ito. Narinig nito ang yabag ng mga paa na papalapit sa kanya. Lalong nanginig ang buong katawan ni Loren at parang sasabog ang puso niya sa lakas ng pintig nito.
Dahan-dahan niyang binuksan ang mga mata. Wala na sa buong paligid ang binata pero naririnig pa rin niya ang yabag ng mga paa nito na papalapit sa kanya. Naririnig niya ito sa bandang kanan.
Hindi na niya kayang manatili pa roon. Pagkakataon na niya para makaalis kaya tumayo siya at tumakbo sa kaliwang banda. Lumabas siya ng bahay at kumaripas ng takbo. Hindi na alintana sa kanya ang lakas ng ulan. Ang mahalaga ay makalayo lang siya sa multong iyon na si Chino.
Subalit labis niyang pinagsisihan ang kanyang ginawa. Dahil nang muling magpakawala ng isang malakas na kulog at kidlat ang kalangitan ay natamaan si Loren! Para itong nakuryente at nanginig-nginig ang buong katawan bago bumulagta sa daan.
Samantala, sa loob ng bahay ni Loren ay makikita ang kaluluwa ni Chino na nakatayo at nakadungaw sa bintana. Tila nakatingin ito sa malayo, sa kinaroroonan ng bangkay ni Loren na natamaan ng kidlat…

NANG gabi kasing iyon ay ginabi si Chino sa pag-uwi dahil nakipag-inuman siya sa mga barkada niya para makalimot kahit na saglit sa mabibigat na mga problemang dala-dala niya. Pasadong alas-dose na ng hatinggabi. Habang naglalakad ay pasuray-suray siya sa daan dahil sa kalasingan nang bigla siyang hinarangan ng apat na mga lalaking may dala-dalang mga pamalo at baril.
“Hanggang d’yan ka na lang!” At agad na inatake ng mga ito si Chino. Pinagsusuntok nila ito at pinagpapalo sa likod, sa ulo, at sa batok. Nakapaglaban pa naman ito at nakatakbo subalit di sadyang nabaril siya ng isang lalaki sa paa. Natumba si Chino at napahandusay sa daan. Nilapitan siya ng lalaking may hawak na baril at pinagbabaril pa siya sa likod.
Agad na lumapit ang iba pang mga kasamahan ng lalaking iyon na bumaril sa binata.
Sa nagdidilim na diwa ni Chino, bago siya tuluyang bawian ng buhay ay narinig pa niya ang usapan ng mga lalaking iyon.
“Ano ka ba naman, pare? Bakit mo siya binaril?” galit na sabi ng isa.
“Baka kasi makatakas! Sigurado tayo ang mananagot kapag nakatakas ito at nakapagsumbong sa mga pulis!”
“Pero hinabol mo na lang sana! Lalo tayong mananagot nito sa mga pulis kapag nakita ang bangkay na ito!”
“Dapat siguro itapon natin ito sa lugar na walang makakakita,” suhestyon naman ng isang lalaking may hawak na pamalo.
“Lagot tayo nito kay Loren. Ang bilin kasi niya sa atin ay bugbugin lamang si Chino. Pero bakit mo naman binaril! Buwisit! Mabuti pa at lumayo na tayo sa lugar na ito at huwag na lang siguro nating sabihin kay Loren na napatay natin itong ex niya. Tara na at buhatin natin ito para maitapon na!”
Iyon ang huling narinig ni Chino bago siya malagutan ng hininga. Sa huling mga sandali niya ay nalaman niyang si Loren ang may pakana nito sa kanya.
Binuhat ng apat na mga lalaki ang bangkay ng binata at itinapon sa isang liblib at abandonadong lugar na may matataas na mga damo pagkatapos ay umalis na ang apat sa lugar na iyon.
Pero kinabukasan ay natagpuan din ang nangangamoy na bangkay ni Chino sa may damuhan. Nang malaman ito ng mga magulang nito ay humagulgol sa iyak ang kanyang ina.
Hindi kasi matanggap ni Loren na si Chino pa mismo ang nagtampo at nakipag-breakup sa kanya kahit na ito mismo ang nagtaksil sa kanilang relasyon kung kaya’t dahil sa labis na galit at sama ng loob sa binata ay nagawang ipautos ng dalaga na ipabugbog ang binata sa mga kakilala niyang miyembro ng fraternity. Ganoon katindi ang galit ni Loren sa ginawang pagtaksil sa kanya ni Chino. Pero hindi niya inaasahang hahantong pala sa kamatayan ng binata ang lahat ng iyon dahil hindi sadyang nabaril ito ng isa sa mga lalaking inutusan at binayaran niya para ipabugbog lamang sana ito.

PAGKALIPAS ng isang linggo ay nailibing na si Loren sa huling hantungan nito. Hindi matanggap ng mga magulang nito ang pagkawala ng kanilang anak kung kaya’t napilitan ang mga ito na mag-leave ng kahit isang linggo sa trabaho nila sa ibang bansa at umuwi ng Pilipinas para maasikaso ang burol ng kaisa-isang anak.
Nagpasalamat na lang ang mga ito sa mga kaibigan ni Loren na nagpadala ng mensahe sa kanila sa Facebook para ipaalam ang masamang balita.
Nang dumating na ang araw ng undas ay muling umuwi sa Pilipinas ang mga magulang ni Loren para dalawin ang puntod ng kanilang anak. Subalit nagulat sila nang makitang wasak ang kinaroroonan ng puntod nito. Pati ang nitso nito ay nabiyak na tila tinamaan ng isang malakas na kidlat!

***WAKAS***

Top 5 Banned Photos On UHS With Their Secrets

      Kilala rin ang UHS group bilang bagsakan ng mga creepy, dark, gore, and disturbing trivia, videos, files, documentaries, and etc kabilang na ang ilang mga disturbing pictures na kadalasang parte ng trivia o video na kanilang ibinabahagi o minsan naman ay ginagawang cover photo or poster ng ilang mga writers para sa kanilang mga isinulat na kuwento.

       Sa site na ito, ipapakita namin sa inyo ang top 5 banned photos sa UHS group. Mga litrato at larawan na nabura sa nasabing group o hindi ini-upload dahil naglalaman ito ng masyadong disturbing content na bukod sa hindi angkop sa mga taong hindi malawak ang kaisipan ay banned din sa policy ng Facebook.

      Here they are the top 5 most disturbing photos that were banned on UHS group.

Top 5: The Lost Logo of UHS




      Ang larawang nakikita n'yo rito ay ang magiging bagong logo sana ng UHS. Ito sana ang magiging third official logo nila pagkatapos nilang mag-celebrate ng kanilang first anniversary noong March 25, 2016. Subalit hindi satisfied si creator Daryl sa pag-design niya sa logo na ito kung kaya't sinubukan niyang magpagawa ng logo sa Facebook page na Jackson Family. Nagustuhan niya ang logo na ginawa ng JF; isang reaper na hinaluan ng moon at ang pangalan ng nasabing grupo ay naka-ukit sa hawak nitong karit. Iyon na lamang ang naisipan niyang i-upload sa UHS group at iyon na rin ang idineklara niya bilang third official logo ng UHS na inilabas noong April 9, 2016. Kaya naman ang logo na ito na naglalaman ng tatlong mukha ng nakakatakot na clown na may numerong 666 sa kanilang ulo ay maituturin na lamang na "lost logo of UHS". Hindi na ito naisipan pang ipakita ng creator sa publiko dahil masyadong dark at satanic ang dating ng logo at natakot siya na baka mapagkamalan pa silang 'satanista' dahil lamang sa disenyo ng logo na iyon.

Top 4: Zombie God Photo




      Ipinapakita ng larawang ito ang edited na litrato ng Panginoong Diyos kung saan ginawang 'zombie' ang kanyang mukha at ang heart symbol na nasa gitna ng larawan ay ginawang 'brain symbol'. Ito sana ang magiging official cover ng short horror story niya noong December 2015 na pinamagatang "Fake Christ" subalit naisipan niyang hindi na lang lagyan ng cover photo dahil sa takot na baka maraming members ang magalit sa kanya kapag nakita nila ang hindi katanggap-tanggap na larawang iyon ng Panginoon.

Top 3: Double Death Series: Poser Original Cover




      Ang issue sa topic na ito ay kaparehong-kapareho rin ng nasa top 2. Ito rin sana ang magiging official cover ng short novel ni creator Daryl Morales na pinamagatang "Poser" noong August 2015 subalit ito ay binura rin agad ng Facebook dahil labag daw ito sa policy nila at naglalaman daw ang cover ng masyadong nakakatakot na disenyo na hindi na katanggap-tanggap sa kanilang sistema. Muli ring na-close ang account dito ng creator nang sinubukan pa niya itong i-upload muli pero nabawi lang niya kaagad ang kanyang account. Ang ginawa niya, inalis niya ang nakalagay na main title sa itaas at itinira na lamang ang episode title at binago ng kaunti ang color ng cover upang tanggapin ito ng Facebook.

Top 2: Lihim ng Pagkatao Original Cover




      Sa larawang ito ay makikita ang isang nakakatakot na mukha ng babae na may hawak na kutsilyo. Ang orihinal na version ng larawan na iyon ay ang official poster ng eight studio album ng American recording artist na si Britney Spears. Ngunit sa larawang ito, makikita na edited ang kanyang mukha at ginawang katatakutan. Ang larawang ito sana ang magiging official cover ng short horror story dati ni creator Daryl Morales na pinamagatang "Lihim ng Pagkatao" noong September 2015. Subalit nang i-upload niya ito sa group ay bigla itong nabura sa loob lamang ng limang minuto. Nabura rin ang naturang cover pati sa ibang page at group na pinag-post-an niya nito. Muntik pang i-close ng Facebook ang account ng creator nang subukan niya itong i-upload nang paulit-ulit. Doon niya nakumpira na banned ang cover na iyon sa policy ng Facebook.

Top 1: God is Dead




      Ang larawan na makikita n'yo ay ipinapakitang putol ang duguang katawan ni Hesus at ang nakaupo sa gitna ng upuan ay si Satanas kasama ang iba pang mga alagad. Ipinapakita sa kathang-isip na larawang ito na pinagpiyestahan nilang kainin ang katawan ng Panginoong Diyos, isang bagay na hindi kanais-nais sa mata ng mga tao. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ito ini-upload sa main branch ng UHS (Facebook Group).


SOURCE: UHS LOST FILE (BLOG SITE)