THE
MYSTERIOUS THING
Written by
Daryl Morales
Genre:
Horror/Mystery
![]() |
LABIS ang
tuwa ni Alvin Navarro sa kanyang pagkapanalo bilang Mayor sa bayan ng Masantol
sa Pampanga.
“Ngayon pa
lang, naaamoy ko na ang kaunlaran sa ating bayan,” sabi pa niya habang nakaupo
sa kanyang opisina kasama ang isang assistant niya. Mataas ang tingin ni Mayor
Alvin sa kanyang sarili. Perfectionist ito. Lahat ng mga maling bagay na
kanyang nakikita sa paligid ay pipilitin niyang gawing tama para maging maayos
at maganda sa kanyang paningin.
Kahit pa
yata pangit ay pagagandahin niya para lang maiwasang makakita ng pangit.
Kumukulo kasi ang dugo niya kapag nakakakita ng pangit na mga lugar. At ang San
Isidro ang naisipan niyang unang gawan ng proyekto.
USAP-USAPAN
ngayon sa Barangay San Isidro, 1st Street ang ini-announce ni Mayor Alvin na
pagagandahin at lilinisin daw niya ang Barangay na iyon. Ipabubunot niya ang
mga damo at ipapuputol ang mga puno upang mapatayuan niya ng mga pabahay. Sa
taon kasing ito, dumarami ang bilang ng mga pulubi o iskwater sa kanilang bayan
at dahil sa dami ng mga puno at damo roon ay nagmimistulang gubat ang nasabing
Barangay. Pangit iyon sa paningin ng perfectionist na Mayor kaya walang
makakapigil sa kagustuhan niyang ipatanggal ang mga ‘pangit’ sa paningin niya.
Ipalilinis
din niya ang baradong kanal at patatambakan ang daan upang pagdating ng
tag-ulan ay hindi na tumaas pa ang baha sa kanilang bayan.
Maraming mga
matatangkad at matatandang puno sa 1st Street. Kaunti lamang ang mga bahay doon
dahil halos lahat ng makikita sa paligid ay puro mga matataas na mga damo at
matatandang mga puno na sinasabing nagsimulang lumaki noon pang panahon ng mga
kastila.
Tahimik
naman ang mga puno doon. Hindi na nagdalawang isip pa si Mayor Alvin na ipaputol
ang mga ito dahil wala naman siyang nababalitaan o naririnig na mga kuwento
tungkol sa mga engkanto o mga nilalang na karaniwang pinaniniwalaang
naninirahan sa mga puno, at isa pa, hindi siya naniniwala sa mga iyon. Hindi
totoo na ang mga puno ay tinitirhan ng mga engkanto o mga diwata. Ito ay
kuwento-kuwento lamang ng mga matatanda noon, iyon ang paniniwala niya. Kaya di
nagtagal ay natuloy ang kanyang plano na ipaputol ang lahat ng mga puno at mga
damo sa Barangay San Isidro, 1st Street.
Halos inabot
sila ng mahigit dalawang buwan bago tuluyang naputol ang natitirang mga
matatandang puno. Pati mga damo na nasa lupa ay nakalbo na rin.
Pero magmula
nang maputol ang mga punong iyon ay nagsimula na ang kababalaghan sa Barangay
San Isidro, 1st Street. Sa tuwing sasapit ang madaling araw ay nakakarinig sila
ng mga yabag ng mga paa ng tila malalaking mga kabayo. Tila napakarami ng mga
ito na parang naghahabulan o nag-uunahan sa pagtakbo. Naiistorbo tuloy ang
tulog ng ilang mga residente pero wala silang lakas ng loob na dumungaw man
lang sa bintana dahil sa tuwing maririnig nila ang yabag ng mga paa ng mga ito
ay ginagapangan sila ng kakaibang takot kaya wala silang magawa kundi ang
makiramdam na lamang at magdasal.
Araw-araw
nangyayari iyon. Sa tuwing sasapit ang madaling araw ay nagsisimulang
mag-unahan sa pagtakbo ang mga paa ng tila malalaking mga kabayo. Hindi nga
nila alam kung kabayo nga ba talaga ang mga ito dahil wala namang kabayo sa
kanilang maliit na bayan.
“Diyos ko
po!” nasambit ng isang matandang babae na nagising bigla dahil sa malalakas na
pagyabag ng mga paa ng mga misteryosong nilalang.
Parang
lumilindol ang paligid sa lakas at sa dami ng yabag ng mga paa na nagtatakbuhan
sa daan. Takot na takot ang matandang babae. Dumadagundong ang kabog ng kanyang
puso habang naririnig ang kakaibang yabag ng mga paa sa labas.
Maging si
Mayor Alvin ay nabahala na dahil dito. Nang mga oras ding iyon ay isa lang
naman siya sa mga nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog dahil sa tila mga
dambuhalang mga nilalang na nagtatakbuhan at nagkakaguluhan sa labas. Napaisip
tuloy siya kung ano iyon.
Naglakas
loob siyang bumangon sa kama at binuksan ang bintana. Dumungaw siya sa salamin
pero laking gulat niya dahil wala naman siyang nakikitang kahit ano na
nagtatakbuhan sa labas. Wari’y napakatahimik ng daan sa kanyang paningin.
Walang katao-tao. Wala ring mga aso at pusa na gumagala-gala sa paligid. Pero
patuloy pa rin niyang naririnig ang yabag ng mga paa na sa tansa niya’y paa ng
mga kabayong nagtatakbuhan.
Kinilabutan
siya at agad na isinara ang mga bintana. Napabuntunghininga siya at naging
palaisipan sa kanya kung saan nagmumula ang mga ingay na iyon.
Pagsapit ng
umaga ay nagulat ang mga tao dahil paglabas nila sa kani-kanilang mga bahay ay
bumungad sa kanila ang warak-warak na daan. Parang dinaanan ng isang malakas na
lindol ang kanilang lugar dahil nagkawarak-warak ang mga semento, pati ang
ilang mga pader.
“Ano ba
itong nangyayari sa ating Barangay?!” nasambit ng bubuyog na si Aling Gara.
Bubuyog ang bansag sa kanya ng mga tagaroon dahil sa kanyang maingay na
bunganga at pagiging madaldal at tsismosa.
Maging si
Mayor Alvin ay nagulat nang makita ang warak-warak na daan. Ang akala niya’y
magiging maganda at maaliwalas sa kanyang mga mata ang Barangay San Isidro, 1st
Street kapag ipinatanggal niya ang mga puno at mga damo, subalit mas lalo pa
itong naging marumi at pangit sa kanyang paningin dahil sa kakaibang pinsalang
ito.
Ang ilang
mga tao doon ay lumipat na ng ibang bahay dahil hindi na makayanan ang kababalaghang
nangyayari sa tuwing sasapit ang madaling araw. Nagsisimula ang mga ingay na
iyon sa tuwing papatak ang alas singko ng madaling araw. Lima hanggang sampung
minuto ang tagal ng kakaibang mga ingay na iyon. Animo’y malalaking mga kabayo
na nagpa-fun run sa daan.
Pagsapit ng
madaling araw ay muling narinig ng buong Barangay ang yabag ng mga paa ng
kakaibang mga nilalang na nagtatakbuhan sa daan. Muli na naman silang naistorbo
sa pagtulog, lalo na si Mayor Alvin. Hindi na ito nakatiis. Bumangon siya sa
kama. Lalabas siya ng bahay para alamin kung saan talaga nanggagaling ang
kakaibang ingay na iyon. Nagdala siya ng isang matibay na pamalo kung sakaling
may makasalubong siyang nilalang sa labas.
Pagbukas
niya sa pinto ng kanyang bahay ay wala siyang nakitang kahit anong mga tao o
nilalang sa labas pero patuloy pa rin ang yabag ng mga paa ng di nakikitang mga
elemento.
Labis na
nakabibingi ang ingay ng mga ito kung kaya’t hindi na siya tumuloy na lumakad
sa labas. Inihagis na lamang niya ang hawak na pamalo at nang mapunta ito sa
daan ay bigla itong nagkanda wasak-wasak kasabay ng sementadong daan na tila
natapakan ng mga paa ng di nakikitang mga dambuhalang nilalang.
Nanlaki ang
kanyang mga mata at napaawang ang kanyang bibig. Bago pa man siya muling makapasok
sa loob ay biglang may sumipa sa kanyang dibdib at tumilapon siya papasok sa
loob ng kanyang bahay. Isang napakalakas na sipa iyon ng isang di nakikitang
nilalang. Sa lakas ng pagkakasipa nito at sa lakas ng impact ng pagkakabagsak
niya sa sahig ay nalagutan siya ng hininga. Basag ang ulo niya at nabali ang
mga buto niya sa katawan. Mukhang napakalakas ng nilalang na sumipa sa kanya.
Daig pa ni Mayor Alvin ang nahulog sa isang mataas na building dahil sa kanyang
lasog lasog na katawan nang siya’y bumagsak sa sahig at dahil na rin sa lakas
ng pagkakasipa sa kanya ng hindi nagpapakitang elemento na marahil ay kanyang
natamaan sa hinagis niyang pamalo sa daan.
KINAUMAGAHAN
ay natagpuan ang bangkay ni Mayor Alvin sa loob ng kanyang bahay sa salas. Bali-bali
ang mga buto nito, bagok at duguan ang ulo. At sa dibdib nito ay may naiwang
isang malaking bakas. Isang bakas ng tila paa ng isang dambuhalang kabayo.
Naging
usap-usapan din sa mga residente ang pagkamatay na iyon ni Mayor Alvin Navarro.
Naging palaisipan sa mga awtoridad ang misteryosong pagkamatay ni Mayor Alvin. Sa
isang CCTV na nasa poste, na-record at napanood ng mga awtoridad na nagbukas ng
pinto si Mayor Alvin sa kanyang bahay pero hindi ito lumabas. Inihagis lamang
nito ang hawak na pamalo sa daan, at ilang sandali pa ay bigla na lamang itong
tumilapon mag-isa papasok sa loob ng kanyang bahay. Naganap iyon kaninang
madaling araw habang kasalukuyang naririnig ng buong Barangay ang yabag ng mga
paa ng tila dambuhalang mga nilalang na hindi nakikita kahit sa CCTV.
“Hindi kaya
masamang elemento ang pumatay kay Mayor Alvin?” anang isang babae na nakatambay
sa isang tindahan.
“Siguro…
Hmm… Hindi ko alam!” sagot naman ng may ari ng tindahan. Walang direktang makapagsabi
kung sino o ano ang pumatay sa bago nilang Mayor.
Nagsimula
ang lahat ng kababalaghang iyon magmula nang ipaputol ni Mayor Alvin ang
matatanda at matatangkad na mga puno sa Barangay na iyon. Subalit sa kanyang
pagkamatay ay hindi na narinig pang muli ang mga yabag ng mga paa ng tila dambuhalang
mga elemento tuwing sasapit ang madaling araw. Marami ang nagtaka. Talagang
marami. Pero ang mahalaga, tapos na ang kababalaghan. Wala ng mga ingay ang
makakaistorbo ngayon sa mahimbing na tulog ng mga residente doon.
Kayo, alam
n’yo ba kung anong klaseng nilalang ang pumatay kay Mayor Alvin Navarro?
***WAKAS***

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento