Huwebes, Hunyo 9, 2016

12 MIDNIGHT (Short Horror Story by Daryl Morales)

Alam n'yo ba? Ang kuwentong ito ay isinulat noong October 2015 ni Daryl Morales ngunit hindi niya ito ini-release sa UHS group dahil hindi siya satisfied sa naging kinalabasan ng kuwento. Isa ang kuwentong ito sa mga 'lost story' na nagawa niya noon na nakatambak sa lost files ng UHS.

12 MIDNIGHT
Written by Daryl Morales
Genre: Horror/Suspense



HATINGGABI na subalit gising pa rin si Loren at nanonood pa ng DVD sa loob ng kanyang kuwarto habang nakahiga sa kama. Gabi-gabi niya iyon ginagawa para antukin at para makalimot sa mga problemang pinagdaanan niya nitong mga nakaraang linggo.
Napakalakas ng ulan ng mga oras na iyon na may kasama pang malalakas na kulog at kidlat, pero hindi iyon alintana kay Loren.
Sa kalagitnaan ng kanyang panonood ng The Grudge horror movie ay nakarinig siya ng malakas na pagkatok sa pintuan sa salas. Bahagyang nagulat siya roon.
Ini-pause niya pansamantala ang pinapanood at muling nakiramdam sa paligid. Muling kumatok sa pintuan ng bahay ang isang di kilalang panauhin. Bagamat malakas ang ulan sa labas ay dinig na dinig niya ang katok na iyon na parang gustong wasakin ang pintuan.
Tumingin siya sa wall clock. Pasadong alas-dose na ng hatinggabi. Nagtaka siya. Sino kaya ang bisita niya sa ganoong oras?
Bumangon siya sa kama at lumabas ng kuwarto. Tinungo niya ang pintuan sa salas at agad na binuksan. Pagkabukas ng pinto ay tumambad sa kanya ang dating nobyo na si Chino. Basang-basa ito sa ulan. Nakayuko ito pero nang pagbuksan niya ng pinto ay humarap at tumitig ito sa kanya.
Nangunot ang noo ng dalaga. “Chino? A-anong ginagawa mo rito?”
“M-maaari ba akong tumuloy sa iyo? Kahit kalahating oras lang. Masyado kasing malakas ang ulan kaya nang madaanan ko ang bahay mo ay naisipan kong sumilong muna,” mahinhing wika ng binata na animo’y wala silang pinag-awayan noong nakaraang linggo mula nang mag-breakup silang dalawa ng dalaga.
Medyo nanibago ang dalaga sa kilos at pananalita ng binata. Dati kasi ay halos ayaw na siya nitong kausapin o harapin man lang. Sinubukan niyang makipagkita rito para magkausap sila ng maayos pero palagi siya nitong tinataguan at hindi sinasagot ang mga texts niya.
“S-sige. Halika.” Pinapasok ni Loren ang binata sa loob ng kanyang bahay.
Habang naglalakad sila papunta sa kusina ay nagbalik sa isipan ni Loren ang pag-aaway nila ng binata noong nakaraang linggo bago ito magtampo sa kanya. Nang malaman kasi ni Loren na may nabuntis na ibang babae ang kasintahan niya ay nagalit siya rito at pinagsasampal niya ito.
Hindi na halos nakapagpaliwanag pa si Chino dahil sa kakabunganga ng dalaga. Ang akala ni Loren ay kapag pinagalitan niya ito ay hihiwalayan nito ang nabutis nitong babae. Pero si Chino pa mismo ang nagkaroon ng lakas ng loob na magalit at magtampo sa pananampal at pananabunot na ginawa sa kanya ng dalaga. Isinauli niya ang kuwintas at mamahaling relo na binili sa kanya noon ni Loren at sinabi nitong tinatapos na niya ang kanilang relasyon.
Mas mahal ni Chino ang pangalawang babae na nabuntis niya. Pagkasauli niya sa kuwintas at sa relo ay tinalikuran na siya ng binata at magmula noon ay hindi na sila nagkausap.
Nagalit si Loren. Kumulo ang dugo niya sa galit pero hindi siya agad sumuko. Sinubukan niyang i-text at tawagan si Chino para sana magkausap sila ng maayos dahil kahit pinagtaksilan siya nito ay parang hindi pa rin nawawala ang pagmamahal niya rito. Pero ni hindi siya nito nireplayan at palagi nitong pinapatay ang cellphone sa tuwing tumatawag siya kaya doon tuluyang naghari sa buong katauhan ni Loren ang labis na galit kaya kahit mahirap ay pinilit niyang kalimutan na lang din si Chino.
Nang mga sandaling iyon ay nakaupo na ang binata sa lamesa. Dumistansya si Loren sa pagkakaupo. Magkatapat sila ni Chino sa mesa. Pagkatapos nitong punasan ang basang katawan sa tuwalyang ipinahiram sa kanya ng dalaga ay isinampay niya ito sa isang bakanteng upuan at yumuko siyang muli.
Nakatitig si Loren sa kanya. Pinakalma niya ang sarili at hindi nagpatalo sa galit. Pagkakataon na niya iyon para makausap ng maayos si Chino tungkol sa napag-awayan nila noong nakaraang linggo.
“Chino, gaano na ba kayo katagal magkakilala nu’ng babaeng nabuntis mo? Alam na ba ‘to ng mga magulang niya at ng iyo?” tanong ni Loren sa binata subalit hindi man lang ito kumibo. Nanatili itong nakayuko na tila hindi alam kung ano ang isasagot.
Napabuntunghininga si Loren at muling nagsalita. “Chino, ang akala ko ba naman ay hindi na tayo magkikitang muli. Gusto lang sana kitang makausap ng maayos. Pumunta ka rito sa akin pero hindi ka man lang magsasalita?” sabi niya sa binata. Subalit wala pa rin itong tugon. Ni hindi man lang ito tumitingin sa kanya. Nanatili itong nakayuko na tila malalim ang iniisip.
Medyo nakakaramdam na ng inis si Loren. Kapag hindi pa siya pinansin ng binata ay baka masigawan na niya ito. Hindi niya maintindihan kung bakit pa ito nagpunta sa bahay niya kung hindi lang din naman ito magsasalita kahit kaunti man lang.
Magsasalita sana siyang muli nang biglang mag-ring ang cellphone niya na nakapatong sa mesa. Dinampot niya ito at tiningnan kung sino ang tumatawag. Ang kaibigan pala niyang si Jolly ang tumatawag kaya agad niya itong sinagot.
“Hello, Jolly? Hatinggabi na, ah. Bakit napatawag ka? May kailangan ka ba?” Pansamantalang bumitaw ang pagkakatitig niya kay Jolly.
“Loren, may masama akong balita sa iyo. Patay na pala si Chino kagabi. Nabaril daw siya ng mga hindi pa nakikilalang mga lalaki. kaninang umaga ko lang nabalitaan. Dead on arrival daw siya kagabi nang dalhin sa ospital. Sorry ngayon lang kasi ako nagkaroon ng lakas ng loob na ipaalam ito sa ‘yo. Alam ko kasing nag-away kayo at hindi na nagpapansinan kaya hindi ko ito agad nasabi.”
Nanlaki ang mga mata ni Loren sa narinig. Bigla siyang ginapangan ng kilabot sa buong katawan. Tumayo ang mga balahibo niya at namulta ang mukha. Hindi siya nakapagsalita at tila napako sa kinaroroonan.
“Hello, Jolly? Nariyan ka pa ba? Hello? Bakit hindi ka nagsasalita?” sabi ni Jolly sa kabilang linya. Pero hindi na nakapagsalita pa ang dalaga.
Nanginginig ito habang unti-unting humaharap sa nakaupong si Chino na katapat niya sa lamesa. Nang mapagmasdan niya ito ay nakayuko pa rin ito. Pero nang mapansin ng binata na nakatingin sa kanya ang dalaga ay unti-unti nitong itinaas ang kanyang ulo at tumitig sa kanya.
Sa wakas at nasilayan ni Loren ang tunay na anyo ni Chino. Namumutla ito na parang naubusan ng dugo sa buong katawan. Lumuluha ito ng dugo at nangitim ang mga labi.
Parang sasabog ang ulo ni Loren sa takot. Alam niyang hindi na si Chino ang kaharap niya. Isa na itong multo!
Habang tumatagal ay lalong sumasama ang mga titig ni Chino kay Loren na parang nais siyang tuklawin ng mga titig na iyon. Unti-unti itong ngumiti na parang demonyo. Ngumiti ito ng ngumiti hanggang sa literal na umabot hanggang sa tenga ang mga labi nito sa pagkakangiti. Lumaki ang bibig nito at lumitaw ang nangingitim at nabubulok nitong mga ngipin na nilalabasan ng maliliit na mga uod.
Hindi nakakilos si Loren sa sobrang takot. Nanginginig ang buong katawan niya. Hindi na niya kayang titigan ang nakakatakot na pagmumukha ni Chino. Pumikit siya at tinakpan ang mga mata sa kanyang mga palad.
Hindi siya maaaring tumakbo ng basta-basta na lang dahil wala siyang madadaanang iba para makatakas. Kinakailangan niyang daanan at lampasan si Chino para makalabas siya sa kusinang iyon pero iyon ang hindi niya kayang gawin dahil natatakot siya na baka bigla siyang hablutin nito kaya napako na lamang siya sa kinauupuan habang nanginginig ang buong katawan at tahimik na umiiyak dahil sa sobrang takot.
Muntik na siyang mapasigaw ng marinig na umugong ang inuupuan ni Chino, isang sign iyon na tumayo ito. Narinig nito ang yabag ng mga paa na papalapit sa kanya. Lalong nanginig ang buong katawan ni Loren at parang sasabog ang puso niya sa lakas ng pintig nito.
Dahan-dahan niyang binuksan ang mga mata. Wala na sa buong paligid ang binata pero naririnig pa rin niya ang yabag ng mga paa nito na papalapit sa kanya. Naririnig niya ito sa bandang kanan.
Hindi na niya kayang manatili pa roon. Pagkakataon na niya para makaalis kaya tumayo siya at tumakbo sa kaliwang banda. Lumabas siya ng bahay at kumaripas ng takbo. Hindi na alintana sa kanya ang lakas ng ulan. Ang mahalaga ay makalayo lang siya sa multong iyon na si Chino.
Subalit labis niyang pinagsisihan ang kanyang ginawa. Dahil nang muling magpakawala ng isang malakas na kulog at kidlat ang kalangitan ay natamaan si Loren! Para itong nakuryente at nanginig-nginig ang buong katawan bago bumulagta sa daan.
Samantala, sa loob ng bahay ni Loren ay makikita ang kaluluwa ni Chino na nakatayo at nakadungaw sa bintana. Tila nakatingin ito sa malayo, sa kinaroroonan ng bangkay ni Loren na natamaan ng kidlat…

NANG gabi kasing iyon ay ginabi si Chino sa pag-uwi dahil nakipag-inuman siya sa mga barkada niya para makalimot kahit na saglit sa mabibigat na mga problemang dala-dala niya. Pasadong alas-dose na ng hatinggabi. Habang naglalakad ay pasuray-suray siya sa daan dahil sa kalasingan nang bigla siyang hinarangan ng apat na mga lalaking may dala-dalang mga pamalo at baril.
“Hanggang d’yan ka na lang!” At agad na inatake ng mga ito si Chino. Pinagsusuntok nila ito at pinagpapalo sa likod, sa ulo, at sa batok. Nakapaglaban pa naman ito at nakatakbo subalit di sadyang nabaril siya ng isang lalaki sa paa. Natumba si Chino at napahandusay sa daan. Nilapitan siya ng lalaking may hawak na baril at pinagbabaril pa siya sa likod.
Agad na lumapit ang iba pang mga kasamahan ng lalaking iyon na bumaril sa binata.
Sa nagdidilim na diwa ni Chino, bago siya tuluyang bawian ng buhay ay narinig pa niya ang usapan ng mga lalaking iyon.
“Ano ka ba naman, pare? Bakit mo siya binaril?” galit na sabi ng isa.
“Baka kasi makatakas! Sigurado tayo ang mananagot kapag nakatakas ito at nakapagsumbong sa mga pulis!”
“Pero hinabol mo na lang sana! Lalo tayong mananagot nito sa mga pulis kapag nakita ang bangkay na ito!”
“Dapat siguro itapon natin ito sa lugar na walang makakakita,” suhestyon naman ng isang lalaking may hawak na pamalo.
“Lagot tayo nito kay Loren. Ang bilin kasi niya sa atin ay bugbugin lamang si Chino. Pero bakit mo naman binaril! Buwisit! Mabuti pa at lumayo na tayo sa lugar na ito at huwag na lang siguro nating sabihin kay Loren na napatay natin itong ex niya. Tara na at buhatin natin ito para maitapon na!”
Iyon ang huling narinig ni Chino bago siya malagutan ng hininga. Sa huling mga sandali niya ay nalaman niyang si Loren ang may pakana nito sa kanya.
Binuhat ng apat na mga lalaki ang bangkay ng binata at itinapon sa isang liblib at abandonadong lugar na may matataas na mga damo pagkatapos ay umalis na ang apat sa lugar na iyon.
Pero kinabukasan ay natagpuan din ang nangangamoy na bangkay ni Chino sa may damuhan. Nang malaman ito ng mga magulang nito ay humagulgol sa iyak ang kanyang ina.
Hindi kasi matanggap ni Loren na si Chino pa mismo ang nagtampo at nakipag-breakup sa kanya kahit na ito mismo ang nagtaksil sa kanilang relasyon kung kaya’t dahil sa labis na galit at sama ng loob sa binata ay nagawang ipautos ng dalaga na ipabugbog ang binata sa mga kakilala niyang miyembro ng fraternity. Ganoon katindi ang galit ni Loren sa ginawang pagtaksil sa kanya ni Chino. Pero hindi niya inaasahang hahantong pala sa kamatayan ng binata ang lahat ng iyon dahil hindi sadyang nabaril ito ng isa sa mga lalaking inutusan at binayaran niya para ipabugbog lamang sana ito.

PAGKALIPAS ng isang linggo ay nailibing na si Loren sa huling hantungan nito. Hindi matanggap ng mga magulang nito ang pagkawala ng kanilang anak kung kaya’t napilitan ang mga ito na mag-leave ng kahit isang linggo sa trabaho nila sa ibang bansa at umuwi ng Pilipinas para maasikaso ang burol ng kaisa-isang anak.
Nagpasalamat na lang ang mga ito sa mga kaibigan ni Loren na nagpadala ng mensahe sa kanila sa Facebook para ipaalam ang masamang balita.
Nang dumating na ang araw ng undas ay muling umuwi sa Pilipinas ang mga magulang ni Loren para dalawin ang puntod ng kanilang anak. Subalit nagulat sila nang makitang wasak ang kinaroroonan ng puntod nito. Pati ang nitso nito ay nabiyak na tila tinamaan ng isang malakas na kidlat!

***WAKAS***

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento